Prinsipe ng Pagkakataon

Prinsipe.
Siya’y nagsilbing prinsipe ng pagkakataon
Pagkakataong hindi ko pwedeng makalimutan
Pagkakataong dala-dala ko magpakailanman
Tindig at tikas, sa kanya’y lumalabas
Mga mata niya’y singkit,
na para bang may mga bituing nakaukit
Mala-rosas na labi, punung-puno ng ngiti
Ngiting kay tamis na nagbibigay epekto kung bakit pagtibok ng puso ko’y bumibilis
Boses niya’y parang musika, bawat nota’y dahan dahang sumisiksik sa entrada ng aking tenga
Napakagandang musika na dumadaloy,
Nagbibigay ng ginhawa sa mga oras ng panaghoy,
Sa panahong malamig,
Yakap niya’y nagbigay init,
Sa panahon ng sakit,
Aruga at alaga sakin ay hindi niya ipinagkait,
Landas nami’y pinagkalapit,
Koneksyon ay pinag-higpit,
Pero kahit kelan puso niya’y di ko makakamit
Kamay niya’y bumitaw na sa pagkapit,
Mga mata ko’y ayaw nang pumikit,
Tulala sa kanyang pagkawala,
Di alam kung magkikita pa,
Mukha niya’y gustong masilayan pa,
Presensya niya’y gustong maramdaman pa,
Pero aking prinsipe’y naglalakbay na,
Naglalakbay patungo sa kastilyo ng kanyang tunay na prinsesa.

Advertisements